Kinumpirma ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na pinaghahandaan na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mas mahigpit na implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa presscon ni Secretary Roque, sinabi nitong noong nakalipas na talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte pinaghahanda nito ang mga tauhan ng Sandatahang Lakas para sa pagpapatupad ng mas extensive na ECQ kung kaya’t tumatalima lamang dito ang mga tauhan ng AFP.
Pero paglilinaw ni Roque, walang Martial Law na mangyayari dahil alinsunod sa batas ay maaari naman talagang tawagin ang AFP kahit pa walang executive order ang Pangulo upang tumulong o umagapay sa mga sibilyan at mga pulis lalo na sa ganitong sitwasyon.
Sinabi pa ni Roque na sa ngayon ay hindi pa ginagamit ni Pangulong Duterte ang kanyang extra ordinary power para atasan o i-deploy ang mga military.
Saka-sakali mang magdesisyon ang Pangulo ay agad naman itong maglalabas ng kautusan o executive order para sa deployment ng mga military.