Palasyo, kumpiyansang maibibigay ngayong araw ang lahat ng kompensasyon sa mga medical frontliners na tinamaan ng COVID-19

Tiwala ang Malacañang na maibibigay hanggang ngayong araw ng Department of Health (DOH) ang sick at death benefits ng mga medical frontliners na tinamaan ng Coronavirus Disease.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ito ay kasunod na rin ng ultimatum na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte hanggang ngayong araw sa kagawaran para ibigay ang mga benepisyo sa mga apektadong frontliners ng COVID-19.

Sinabi ni Roque na sa pinakahuling datos, 26 mula sa 30 nasawing frontliners ay napagkalooban na ang kani-kanilang naulilang pamilya ng tig-iisang milyong pisong benepisyo.


Dalawa naman ang natanggal sa listahan dahil hindi kwalipikado sa kompensasyon, apat ang naghihintay ng kanilang Special Power of Attorney para makuha ang P1-million at dalawa ang nasa abroad ang pamilya pero nakikipag-ugnayan na ang DOH sa mga ito.

Para naman sa mga tinamaan ng COVID-19, 17 tseke na nagkakahalaga ng P100,000 ang naigawad at isa na lamang ang pending for pick up ngayong araw.

Matatandaang uminit ang ulo ng Pangulo matapos malamang na-delay ang pagpapalabas ng kompensasyon sa mga medical frontliners na patuloy na nagsasakripisyo ng kanilang buhay upang mailayo sa panganib ng COVID-19 ang bansa.

Facebook Comments