Positibo ang Malacañang na kaya ng Pilipinas na magkaroon ng positive Gross Domestic Product (GDP) sa susunod na quarter ng taong kasalukiyan.
Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kasunod ng inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), kung saan lumalabas na mula sa -8.3% na GDP noong 4th quarter ng 2020, nasa -4.2% na ito ngayon unang quarter ng 2021.
Ayon kay Secretary Roque, bagama’t nakakalungkot na nananatiling negatibo ang pigura ng GDP, nakakita naman aniya ng improvement dito.
Sabi ng kalihim, patuloy naman na umaakyat ang GDP ng bansa.
Mayroon pa aniyang walong buwan ang 2021 at kaya pang habulin ang GDP na ito, upang maging positibo nang muli sa mga susunod na quarter.
Dahil dito, muling nanawagan ang kalihim sa publiko na patuloy na pag-ingatan ang buhay at kalusugan, upang makapagtuloy-tuloy rin ang paghahanap-buhay, at pagbubukas ng ekonomiya.