Tiwala ang Palasyo na maisasakatuparan hanggang Disyembre 2021 ang Marawi rehabilitation.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, base sa ibinigay na timeline ni Task Force Bangon Marawi Chief Eduardo del Rosario sa kanya ay right on track naman ang mga proyekto sa tinaguriang ground zero nang bakbakan sa pagitan ng tropa ng mga militar at Islamic State-linked extremist groups noong 2017.
Pinabulaanan din ng kalihim ang ulat ng isang NGO na hindi pinababalik ang mga internally displaced persons sa Marawi dahil lahat aniya ng mga IDPs sa most affected areas ay pinayagan nang makabalik basta’t kinakailangan lamang makakuha ng permit mula sa LGUs upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Sa ngayon, nasa 2000 na aniya ang nakapag-apply ng building permit at halos 800 na ang nakakapagsimulang magtayo ng kanilang tahanan.
Pero giit ni Roque, impraktikal pa sa ngayon na bumalik ang mga residente dahil wala pang supply ng kuryente at tubig at wala pa rin silang matitirahan.
Kasalukuyang ginagawa ang mga imprastraktura sa mga most affected areas kabilang ang mga road networks, public markets, public schools, 24 barangay halls, fire station, maritime outpost, tourist police unit, peace memorial, school of living tradition, Marawi museum at mosques.
Habang pagsapit ng Nobyembre hanggang Disyembre, target ang pagtatayo ng ospital, karagdagang silid aralan, public schools, promenade, karagdagang mosque, water bulk facilities, water treatment plant, sports complex at convention center.