
Inilatag ng Malacanang ang mga serye ng umano’y kapalpakan ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Kasunod ito ng pag-alma ni VP Sara sa naunang pahayag ng Palasyo na isa siyang “complete failure” sa DepEd.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakikita sa mga record ang mga naging kakulangan ni bise presidente, kabilang ang mismong pag-amin niya na wala siyang sapat na kaaalaman sa paggawa at pagrepaso ng Matatag Curriculum.
Kasama rin dito ang natenggang mahigit 1.5 milyong gadgets, laptops, at iba pang school materials mula pa noong 2020, na ngayon lamang naipamahagi sa mga paaralan sa ilalim ni Education Secretary Sonny Angara.
Tinukoy rin ng Palasyo ang mahigit P100 milyong pondo para sa ghost students bunsod ng pekeng voucher program na nadiskubre habang siya pa ang kalihim.
Matatandaang inalmahan ni Duterte ang naunang pahayag ng Palasyo na “complete failure” ang kanyang panunungkulan sa DepEd dahil hindi nito natugunan ang mga problemang inirereklamo nya ngayon.









