Palasyo, may paalala sa mga pribadong establishemento kaugnay sa panuntunan sa pagsusuot ng face shield

Binigyang diin ng Malacañang na dapat sumunod sa Inter-Agency Task Force (IATF) resolution ang lahat, partikular na ang mga pribadong establisyemento, kaugnay sa panuntunan sa paggamit ng face shield.

Pahayag ito ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles, nang tanungin kung wala na bang kapangyarihan ang mga pribadong establisyemento na imandato ang pagsusuot ng face shield sa kanilang mga gusali.

Ayon sa kalihim, malinaw na nakasaad sa memo na ibinaba ng tanggapan ng Executive Secretary na sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1, 2 at 3, tulad sa Metro Manila ay boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face shield.


Sinabi pa ni Nograles na tanging sa ilalim lamang ng Alert Level 4 ay binibigyan ng diskresyon ang mga LGUs at pribadong establisyemento kung imamandato pa rin ang paggamit ng face shield.

Matatandaan na sa ilalim naman ng Alert Level 5, granular lockdown areas at medical settings, required pa rin ang pagsusuot ng face shield.

Facebook Comments