
Hindi pa rin nagbabago ang posisyon ng Malacañang na hindi kikilalanin ng Pilipinas ang hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa usapin ng posibleng pansamantalang paglaya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito ng pahayag ng ICC na isa sa mga kundisyon para mapagbigyan ang interim release ay ang pagtanggap at pagsang-ayon ng bansa sa ilang guidelines at mga kondisyong itatakda ng korte.
Pero ang Palasyo, may pag-aalinlangan pa kung tatanggapin ba ng Pilipinas ang pansamantalang paglaya ni dating Pangulong Duterte sakaling pagbigyan ang mosyon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, maraming isyu ang pwedeng mabuksan tulad ng hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas na kinukwestyon mismo ng pamilya Duterte.
Maaari rin aniyang magdulot ng mas malawak na implikasyon ang anumang pakikipag-ugnayan sa ICC, kabilang ang posibilidad ng freeze order sa mga ari-arian ng dating pangulo.
Kaya naman tanong ni Castro, gugustuhin rin ba ng mga Duterte na makipagtulungan ang bansa sa ICC sakaling magkaroon ng freeze order sa assets ng dating pangulo.