Palasyo, may payo sa ‘BGC Boys’ ng flood control anomaly kaugnay ng isyung nakikipag-usap umano ang kanilang abogado kay VP Sara Duterte

Nagbigay ng pahayag ang Palasyo sa gitna ng usap-usapan sa social media na umano’y lumalapit na ang tinaguriang “BGC Boys” sa kampo ni Vice President Sara Duterte.

Ayon sa mga ulat, layon umano nitong maabswelto ang mga dating Department of Public Works and Highways (DPWH) engineers na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza sa mga reklamong kinahaharap nila kaugnay ng maanomalyang flood control projects.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na bagama’t hindi pa kumpirmado ang naturang impormasyon, pinayuhan niya ang mga sangkot na huwag magpa-budol, lalo na kung maaari lamang silang ilaglag sa huli.

Diin ni Castro, may karapatan ang taumbayan na malaman ang buong katotohanan at posibleng susi ang mga nasabing indibidwal upang mapanagot ang mga tunay na nasa likod ng mga anomalya.

Batay naman sa social media post ng mamamahayag na si Ramon Tulfo, umano’y kabilang sa game plan ng kampo ng mga Duterte ang pagbibigay ng executive clemency sa tatlo.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang kampo ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa naturang alegasyon.

Facebook Comments