Binigyang diin ng Palasyo ng Malakanyang ang soberanya ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc maging ang mga karagatang sakop ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Pahayag ito ni acting Presidential Spokesperson at Presidential Communications Group (PCOO) Secretary Martin Andanar kasunod ng ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) noong March 2 na nagkaroon ng insidente ng paglapit ng vessel ng Chinese Coast Guard patungo sa BRP Malabrigo.
Kasunod ng ulat na ito ng PCG, nagpahayag si Chinese Foreign Ministry Spokesman Wang Wenbin na dapat respetuhin ng PCG ang soberyana ng kanilang bansa sa Bajo de Masinloc.
Dahil dito, iginiit Secretary Andanar na nananatili ang posisyon ng Pilipinas sa soberanya nito sa Bajo de Masinloc, sa karapatan at hurisdiksyon ng bansa sa mga karagatang sakop ng ating EEZ.
Kanina, kinumpirma ni National Task Force for the West Philippine Sea Chairperson Sec. Hermogenes Esperon na isang diplomatic protest ang isinampa laban sa China hinggil sa nasabing close-distance manuevering incident sa Bajo de Masinloc.