Palasyo, muling iginiit na lahat ng bakuna ay “equally effective”

Nanindigan ang Palasyo na lahat ng bakuna na mayroon sa bansa ay pare-parehong epektibong panlaban sa COVID-19 kung saan ang isang nabakunahan na ay hindi mauuwi sa severe o kamatayan ang kaso.

Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque makaraang masawi ang 10 mula sa 26 na doktor sa Indonesia na pawang mga fully vaccinated na ng Sinovac.

Ayon kay Roque, pinanghahawakan nilang datos dito ay mula sa mga eksperto at Food and Drug Administration (FDA) na nagbigay ng Emergency Use Authorization (EUA) sa Sinovac.


Kasama rin aniyang nabigyan ang Sinovac ng Emergency Use Listing (EUL) ng World Health Organization (WHO).

Nitong Sabado lamang, sinabi ni Dr. Eva Dela Paz Executive director ng UP National Institute of Health na base sa isang pag-aaral sa England epektibo ang Pfizer at AstraZeneca mula sa Delta variant.

Ani Dela Paz, kapag nabigyan na ng first dose ang isang indibidwal ng Pfizer o AstraZeneca ay nasa 33% ang proteksyon nito mula sa Delta variant na sinasabing mas mabilis makahawa.

Kapag naman naiturok na ang second dose, ang mga tumanggap ng Pfizer vaccine ay aakyat sa 88% ang proteksyon habang ang 60% ang makukuhang proteksyon ng mga nagpabakuna ng AstraZeneca.

Sa ngayon, wala pang ganitong datos o pag-aaral na inilalabas ang iba pang vaccine manufacturers kasama ang Sinovac na pinakamaraming vaccine supplies sa bansa.

Facebook Comments