Palasyo, muling nilinaw na libre ang mga bakuna kontra COVID-19

Binigyang diin ng Malakanyang na walang bakuna sa ngayon na kontra COVID-19 ang ibinebenta sa merkado.

Reaksyon ito ng Palasyo makaraang sabihin ng Philippine Red Cross (PRC) na magbebenta sila ng Moderna vaccines sa halagang P3,500.

Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, tanging Emergency Use Authorization (EUA) pa lamang ang mayroon ang lahat ng aprubadong bakuna sa buong mundo at ni isa rito ay wala pang authorization for commercial sale and distribution.


Sinabi ng kalihim na nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na ibibigay nya ng libre ang mga bakuna.

Maging ang mga pribadong kompanya na bumili ng bakuna para sa kanilang mga empleyado sa pamamagitan ng tripartite agreement ay dapat libre din nilang ipagkakaloob ang mga bakuna sa kanilang mga manggagawa.

Kasunod nito pinaalalahanan ni NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez ang mga private sectors ng pantay-pantay na distribusyon ng mga bakuna at wala dapat privileged access.

Facebook Comments