Naaalarma ang Malacañang sa paglobo ng kaso ng domestic violence mula nang ipatupad ang lockdown sa Luzon dahil sa COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nababahala sila sa mga kaso ng abuso laban sa mga kababaihan at kabataan.
Tiniyak ni Roque na ipapatupad ng pamahalaan ang mga batas para matiyak ang kanilang proteksyon.
Ang Philippine National Police (PNP) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay kumikilos para magpaabot ng tulong sa mga biktima ng domestic violence.
Batay sa weekly report ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso, umabot sa 4,260 ang kaso ng violence against women and children nitong June 11 mula sa 3,699 cases na naitala noong June 4.
Ang PNP Women and Children Protection Desks ay patuloy na nakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para matiyak na napoprotektahan ang karapatan ng mga kababaihan at mga kabataan.