Palasyo, nagpapasalamat sa patuloy na pagtitiwala sa Duterte administration

61

Naniniwala si Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na repleksyon lamang ng tiwala ng sambayanang Pilipino ang mataas na approval rating ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Reaksyon ito ng kalihim base sa pinakahuling resulta ng Pulse Asia survey na nagsasabing tumaas pa ang approval rating ni Pangulong Duterte sa 72%.

Ayon kay Nograles, ramdam kasi ng mga Pilipino ang mabilis na pag-aksyon at pagtugon ng pangulo sa pangangailangan ng sambayanan sa kabila ng kaliwa’t kanang mga hamon dulot ng COVID-19 pandemic at ng mga nagdaang kalamidad.


Ani Nograles, kita naman ang tunay na malasakit ng pangulo sa bawat Pilipino dahilan kaya kahit patapos na ang kanyang termino ay nananatiling mataas pa rin ang kanyang approval rating.

Kasunod nito, nangako ang Malakanyang na sa mga nalalabing buwan ng pangulo sa pwesto ay gagawin at ipatutupad ang iba pang programa at proyekto na makakatulong sa pag-unlad ng buhay ng mga Pilipino.

Facebook Comments