Palasyo, nagpasalamat sa kabila ng pagbaba ng net satisfaction rating ni Pangulong Duterte sa latest SWS survey

Walang problema sa palasyo kung bumaba ang net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa halip na magalit sila ay nagpapasalamat sila sa taumbayan dahil nanatiling “very good” ang rating ni Pangulong Duterte simula noong maupo sa pwesto.

Aniya, dahil sa patuloy ang pagsuporta ng mga Pilipino sa pangulo at sa admimistrasyong Duterte ay makakaasa silang gagawin ng Malakanyang ang lahat para mapabuti ang buhay ng mga mamamayang Pilipino na mararamdaman kahit matapos pa ang termino ng chief executive sa 2022.


Batay sa third quarter 2021 survey ng SWS, mula sa 62% noong June ay bumaba sa 52% ang net satisfaction rating ni Duterte nitong nakaraang Setyembre.

Pero sa kabila nito, ang net satisfaction rating na +52 ay itinuturing pa rin na “very good.”

Gayunman, ito na ang sunod na pinakamababang rating na nakuha ng pangulo kasunod ng “good” +45 noong June 2018.

Sa ulat ng SWS, lumilitaw na bumababa ang marka ni Duterte sa lahat ng lugar sa bansa maliban sa Mindanao.

Ginawa ang survey noong September 12-16, 2021, gamit ang face-to-face interviews sa 1,200 adults sa bansa.

Facebook Comments