Kasunod nang pananalasa ng Typhoon Jolina, siniguro ng Malakanyang na nakatutok sila sa ginagawang pagtugon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pangangailangan ng mga apektadong residente.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ala-6:00 ng gabi kahapon (Sept. 8, 2021), nakapagtala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng 2,045 families o 7,602 indibidwal na inilikas sa 131 evacuation centers.
Sinabi pa ng kalihim na mayroong P442.9-M Quick Response Fund ang DSWD sa kanilang Central Office, kung saan P11.2-M ang available sa Field Offices nila sa Mimaropa, Region 5, Region 6 at Region 8.
P32.5-M na pondo naman ang naka-standby sa kanilang DSWD Field Offices na maaaring gamiting support sa ikinakasang relief operations.
Sa ngayon, may 12,535 family food packs ang available sa Disaster Response Centers.
Samantala, nagpapatuloy rin ani Roque ang power and communication lines restoration, maging ang clearing operations sa mga kalsada at tulay na naapektuhan ng bagyo ito ayon na rin sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Kasunod nito, nananawagan ang Palasyo sa publiko na manatiling alerto at vigilante lalo na’t nasa bansa na ang Bagyong Kiko.
Inaatasan din ng Malakanyang ang mga awtoridad na siguraduhing nasusunod ang minimum public health standards sa mga evacuation centers.