Pinayuhan ng Malakanyang ang publiko na huwag agad-agad magtutungo sa ospital kapag nakaranas ng sintomas ng COVID-19 bagkus tumawag muna sa One-Hospital Command Center.
Ang pahayag ay ginawa ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque makaraan siyang akusahang naningit o ginamit ang kanyang impluwensya kaya na-admit agad sa Philippine General Hospital (PGH) kahit na marami ang naghihintay roon na ma-admit.
Ayon kay Roque, kapag nai-coordinate na ay papayuhan ng One-Hospital Command Center kung saan dadalhing pagamutan ang isang nagpositibo sa virus lalo na kung ito ay moderate to severe.
Habang ang mild at asymptomatic ay pwede namang manatili sa quarantine at isolation facilities.
Kadalasan kasi ayon kay Roque na hindi naa-admit ang isang COVID patient sa mga pribadong ospital dahil limitado lamang ang kanilang kama na laan sa mga naturang pasyente.
Una nang inilatag ng Department of Health (DOH) ang mga hotline para sa One-Hospital Command Center na 02-886-505-00, 0915-777-7777 at 0919-977-3333.
Magkagayunman, dapat pa rin aniyang maging matiyaga dahil marami ang tumatawag sa One-Hospital Command Center at dahil na rin sa limitado nilang manpower.