Dumipensa ang Palasyo ng Malakanyang sa puna ng ilang kritiko na tila minaliit lamang ng Administrasyong Duterte ang Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo, hindi kaagad itinaas ang alarma noong nakalipas na dalawang buwan dahil ayaw ng Pangulo na magdulot ito ng takot at pangamba sa publiko.
Matatandaang sa talumpati ng Pangulo noong February 3, 2020, kinuwestyon nito ang umano’y hysterical responce ng publiko sa nasabing sakit gayung noong panahon na ‘yon ay iilan pa lamang ang kaso ng COVID-19 sa bansa at wala pang naitatalang local transmission.
Habang sa kanyang public address nitong Lunes, sinabi ng Pangulo na nagbabala siya kaagad o noong una palang sa publiko sa panganib na dulot ng COVID-19.
Sinabi ni Panelo na hindi contradicting ang pahayag na ito ng Pangulo dahil sumusunod lamang si Pangulong Duterte sa patakaran ng World Health Organization (WHO) at sa mga nakikita niya sa kanyang kapaligiran.
Binigyang diin pa ni Panelo na agad din namang nagpatupad ng drastic measures ang pamahalaan tulad ng total ban sa mga magmumula sa China at ang pagpapalawig ng Luzon-wide lockdown para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Umapela rin ang Palasyo sa mga kritiko na iwasan ang pagpuna o pag-atake sa gobyerno ngayong nahaharap tayo sa krisis bagkus magbigay na lamang ng suhestiyon para mas mabisang matugunan ang COVID-19.