Hindi magagawang bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang lugar sa bansa na matinding hinagupit ng Bagyong Rolly kung may sakit ang Pangulo o kung hindi maayos ang kaniyang kondisyon.
Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa mga kumalat na #NasaanAngPangulo noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
Ayon kay Roque, naging maagap ang ginawang preparasyon ng pamahalaan at 24 oras din aniyang naka-monitor ang Pangulo hinggil sa sitwasyon ng bansa.
Paliwanag pa nito, maayos ang kalusugan ng Punong Ehekutibo tulad ng kaniyang mga ka-edaran o mga nasa 75 years old.
Kahapon ng gumanda ang panahon, nagsagawa si Pangulong Duterte ng aerial survey sa Bicol at Guinobatan upang malaman ang lawak ng pinsala ng bagyo.
Kapansin-pansin din na natanggal ang suot nitong face mask pero ayon kay Roque, hindi niya alam kung sadya itong hinubad ng Pangulo basta ang mahalaga aniya ay nakarating ang Presidente sa Guinobatan, nakausap ang ilang mga residente upang iparamdam na hindi sila iiwanan ng pamahalaan lalo na sa panahon ng unos.