Sa kabila ng pinakamaraming naitatalang kaso ng COVID-19 sa Southeast Asia, naniniwala ang Malacañang na tama ang ginagawang hakbang ng pamahalaan para tugunan ang Coronavirus disease.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, dahil sa naging maagap na pagtugon ng pamahalaan sa pandemya tulad ng lockdown at pagsara ng mga borders nito, naiwasang makamit ang projection ng University of the Philippines (UP) experts na aabot sa 3.5 milyong Pilipino ang tatamaan ng virus.
Sinabi pa ni Roque na bagama’t nasa pang-22 pwesto ang Pilipinas sa buong mundo sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19 ay hindi naman tayo nangunguna tulad ng ilang role model countries kabilang ang Estados Unidos at Brazil na maliban sa mataas ang kaso ay marami rin ang nasasawi.
Idinagdag pa ng kalihim na walang bansa sa buong mundo ang napaghandaan ang pagtama ng COVID-19 at wala ring perpektong pagtugon sa pandemya.
Pero nais ipunto ni Roque na dahil sa mga ginagawang intervention ng pamahalaan ay hindi umabot sa milyon ang COVID cases sa bansa, nasa 1.5% lamang ang severe at critical cases habang kakaunti lang din ang nasasawi.
Sa ngayon, focus ng pamahalaan ang pagpapaigting sa Testing, Tracing at Treatment (T3).