Palasyo, nanindigang wala sa probisyon ng batas ang nagpapahintulot na makapagbigay ng prangkisa ang Pangulo ng bansa

Dumistansiya ang Malakanyang sa cease and desist order na inisyu ng National Telecommunications Commission (NTC) laban sa ABS-CBN.

Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na kung may probisyon man sa batas na nagsasabing pwedeng magbigay ng prangkisa ang Pangulo ng bansa sa alinmang broadcast network, ay gagawin agad ito ng Pangulo.

Gayunman, iginiit ni Roque na sang-ayon sa umiiral na batas, Kongreso lamang ang may ekslusibong kapangyarihan na magbigay ng prangkisa at ang NTC naman ay para sa provisional authority.


Ayon kay Roque, hindi pwedeng diktahan ng Pangulo ang NTC dahil ito ay isang quasi-judicial body na may sariling pagpapasya.

Iligal aniya kapag nanghimasok ang Pangulo sa ganitong usapin at tiyak na lalabag ito sa Anti-Graft law.

Kaya hindi rin naman aniya tama na pagbintangan si Pangulong Rodrigo Duterte na sinisikil nito ang kalayaan sa pamamahayag, dahil tali ang kamay ng Pangulo sa isyu bunsod na rin ng kawalan nito ng kapangyarihang magbigay ng prangkisa.

Facebook Comments