Magsisilbing trial run lamang ang paparating na 15,000 initial doses ng Sputnik V COVID-19 vaccines mula Russia.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na ang Sputnik V ng Gamaleya Research Institute ay nangangailangan ng -18 degrees Celsius na temperature storage.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang bakuna ay nangangalangan ng -20 degrees Celsius storage requirement.
Ito aniya ang dahilan kung bakit inurong bukas, April 28 ang pagdating ng bakuna.
Ito ang unang beses na hahawak ang Pilipinas ng mga bakunang mangangailangan ng sobrang lamig na storage facility.
Ang Sinovac at AstraZeneca ay gumagamit lamang ng cold storage na nasa pagitan ng 2 hanggang 8 degrees Celsius.
Ang Sputnik V ay hindi ipapadala sa lahat ng rehiyon dahil sa storage requirement at sa halip ay dadalhin ito sa mga Local Government Unit (LGU) na may cold storage capacity.
Samantala, ang 500,000 doses ng Sinovac vaccines ay darating sa Pilipinas sa April 29, na bahagi ng vaccine procurement program sa Pilipinas.