Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na walang napagkasunduan ang Joint Cabinet Cluster para ipatawag sa Malacañang si Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua kaugnay sa issue ng pagbanggan ng Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pilipino sa Recto Bank.
Una na kasing lumabas sa balita na ipinatawag umano sa Malacañang ang ambassador ng China para alamin ang kwento ng China ukol sa insidente na umano’y kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential spokesman Secretary Salvador Panelo, suggestion lang ito ng isang miyembro ng gabinete.
Pero sinabi ni Panelo na hindi naman ito pinagtibay ng cabinet cluster at sa halip ay nagkasundo ang mga ito na hintayin nalang ang pinal na resulta ng imbestigasyon ng China at ng Pilipinas ukol sa nasabing issue.
Matatandaan na sinabi ni Pangulong Duterte na isang simpleng maritime accident lang ang nangyari sa Recto Bank at mas magandang tapusin na lang ang ginagawang imbestigasyon dito.