Hindi pa makapagbigay ng pahayag sa ngayon ang Palasyo hinggil sa rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Panel na masampahan ng graft at plunder charges sina Health Sec. Francisco Duque III at dalawang mga dating opisyal ng Procurement Service-Department of Budget ang Management (PS-DBM) dahil sa umano’y maanomalyang kasunduang pinasok sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Sec. Karlo Alexei Nograles, partial pa lang at hindi pa official ang nasabing report.
Hindi pa aniya adopted ng kumite ang rekomendasyon habang wala pa ring natatanggap na official copy ang Palasyo.
Kasunod nito, binigyang diin ng kalihim na una nang naninindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na sampahan na lamang ng kaso ang mga dapat managot hinggil sa naturang kontrobersiya at wala silang sinumang poprotektahan.