Palasyo, patuloy na nakabantay sa aktibidad ng bulkang taal; iba’t ibang sangay ng pamahalaan, tiniyak na kumikilos

Siniguro ng Palasyo na mahigpit nilang binabantayan o minomonitor ang sitwasyon sa Bulkang Taal makaraan itong makapagtala ng phreatomagmatic eruptions.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, kasalukuyang inililikas ang ilan nating mga kababayan sa mga tinaguriang high-risk barangays tulad ng Laurel at Agoncillo maging ang ilang kalapit na munisipalidad sa Batangas Province.

Sinabi pa ni Roque na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 4-A ay mayroong stockpiles ng food packs at non-food items na nagkakahalaga ng mahigit P12 milyon.


Samantala, ang Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command ay inactivate na ang kanilang Joint Task Force Taal para umasiste sa nagpapatuloy na evacuation efforts katuwang ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council at Local Government Units.

Habang ang Philippine National Police sa CALABARZON ay naka alerto na rin at handang umagapay sa mga apektadong residente at ang Philippine Coast Guard (PCG) Southern Tagalog District ay naka-deploy na para magsagawa ng humanitarian assistance and disaster relief operations.

Kasunod nito, pinapayuhan ng Malacañang ang mga apektadong residente na manatiling mapagmatiyag, maging vigilant at makipagtulungan sa kanilang local authorities.

Facebook Comments