Palasyo, pinabulaanan ang paratang ni Sen. Lacson na “large scale corruption” sa paggastos ng pamahalaan sa COVID-19 funds

Nanindigan ang Palasyo na wala pang napapatunayang katiwalaan ang Senado hinggil sa umano’y maanomalyang paggastos ng pamahalaan sa COVID-19 response funds.

Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa naging pahayag ni Senator Panfilo Lacson na mayroong “large-scale corruption” at pinagkakakitaan ng ilan ang nagpapatuloy na health crisis.

Ayon kay Roque, wala pang matibay na ebidensya na maipresenta ang mga senador na makapagpapatunay na bumili nga ang Duterte administration ng mga overpriced na COVID-19 supplies kasama na ang personal protective equipment (PPE) noong isang taon.


Giit pa nito, hindi overpriced ang ₱1,700 na PPE set dahil noong pumutok ang pandemya, walang mapagbilhan nito at talagang mataas ang presyo dahil na rin sa dami ng demands.

Paliwanag pa ni Roque, ang tanging napatunayan lamang sa ngayon ay ang hindi paggastos ng Department of Health (DOH) sa ilang bahagi ng kanilang pondo pero ang halaga naman na ito ay hindi nawala kaya’t hindi rin maituturing na pandarambong.

Matatandaang kinuwestyon ng Commission on Audit (COA) ang management ng DOH sa ₱67 billion na COVID-19 response fund nito.

Facebook Comments