Palasyo, pinaghahanda pa rin ang mga LGU sa pagpapatupad ng granular lockdown

Dapat maging handa ang mga Local Government Unit (LGU) saka-sakaling magpatupad muli ng mga granular lockdown sa kanilang lugar.

Ang paalala ay ginawa ng Malacañang sa gitna ng mga paghahanda na ginagawa ngayon ng pamahalaan para mabantayan at matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang COVID-19 Omicron variant.

Ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, active monitoring ngayon ang kailangan lalo na sa hanay ng LGU kung saan dapat silang nakasubaybay maigi sa mga nadaragdag na kaso sa kanilang nasasakupan.


Ani Nograles, dapat maagap ang mga LGU sa pag-determina kung may nagaganap na bang clustering sa kanilang lugar.

Sa panig naman ng Inter-Agency Task Force, tiniyak nito na agad magtataas ng alert level kung kinakailangan upang hindi magkaroon ng resurgence ng virus.

Kasabay ng paalala sa publiko na mahigpit pa ring sundin ang mask, hugas, iwas at bakuna.

Facebook Comments