Manila, Philippines – Pinagre-resign ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang sinabi ni Roque sa harap na rin ng impeachment complaint na isinampa laban dito dahil umano sa mga iregularidad nito sa Korte Suprema.
Paliwanag ni Roque, hindi dapat isakripisyo ni Sereno ang kahihiyan ng Korte Suprema at ang buong Hudikatura.
Hindi kasi aniya kakayanin ng buong Hudikatura ang kahihiyan kung magkakaroon ng ikalawang Supreme Court Chief Justice na mai-impeach.
Sakali aniyang hindi kusang magbitiw ay tiwala si Roque na mai-impeach si Sereno dahil nakita aniya niya ang merito ng impeachment case nito noong siya ay nasa Justice Committee pa ng Kamara.
Binigyang diin pa nito na ito din ang kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte at hindi ito panghihimasok ng Ehekutibo sa judicial system ng bansa.