Sa layuning matiyak ang kaligtasan ng publiko laban sa mga gamot na hindi rehistrado sa Food & Drug Administration (FDA), ipinag-utos ng Malakanyang sa FDA na pangunahan ang mga hakbangin laban sa pagbebenta sa merkado ng Ivermectin.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi kayang tukuyin lamang ng Philippine National Police (PNP) kung ano-anong mga gamot ang dapat na ibinebenta sa merkado kung kaya’t lahat ng operasyon at pagsamsam sa iligal na gamot na ito ay dapat may close coordination mula sa FDA.
Kasunod nito, nilinaw ng kalihim na ang Ivermectin na ginagamit sa hayop na ni-repack para sa human consumption ang dapat na samsamin ng mga otoridad dahil hindi ito ligtas gamitin ng mga tao.
Apela pa ng Palasyo sa publiko, kumonsulta sa inyong attending physician o sa mga eksperto bago uminom ng kung ano-anong mga gamot.
Sinabi pa ni Roque na patuloy na naka-monitor si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa development study o clinical trials ng Ivermectin upang mabatid kung maaari nga ba itong inumin pangontra COVID-19.
Nabatid na ang Ivermectin ay isang gamot para sa hayop na may bulate o parasitic disease kung saan kamakailan ay ginawaran ito ng FDA ng special permit for compassionate use.
Facebook Comments