Palasyo, pinasinungalingang kulelat ang Pilipinas sa vaccination program

Tahasang pinasinungalingan ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na nahuhuli na ang Pilipinas sa vaccination program.

Ayon kay Roque, gawa-gawa lamang ito ng mga kritiko ng administrasyong Duterte na aniya’y gahaman sa kapangyarihan.

Paliwanag ni Roque, sa kalagitnaan ng buwang kasalukuyan ay mag-uumpisa na ang roll out ng vaccination program sa bansa kung saan halos kasabayan lang natin ang mga karatig bansa sa Asya.


Giit ng kalihim, tanging sa ilang mga kalapit nating mga bansa sa Asya ang nakapag-umpisa na ng pagtuturok ng bakuna sa kanilang mamamayan tulad sa Singapore na tanging 1.98% pa lamang ng kabuuan nilang populasyon ang nabakunahan, habang sa India ay 0.27% at sa Indonesia ay 0.19%.

Sinabi pa nito na huwag magpapaloko sa mga kritiko ng administrasyon bagkus panghawakan aniya ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang maiiwan sa vaccination program na ikakasa ng pamahalaan.

Facebook Comments