Pinaalalahanan ng national government ang mga lokal na pamahalaan ng mga lugar na naaapektuhan ng Bagyong Jolina at posibleng maapektuhan ng Bagyong Kiko na tiyaking masusunod pa rin ang mga health protocols sa evacuation sites.
Pahayag ito ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Usec. Ricardo Jalad sa Laging Handa public press briefing sa gitna pa rin ng banta ng Delta variant ng COVID-19 sa bansa at ang pananalasa ng mga bagyo.
Ayon sa opisyal, binigyang-diin nila sa mga namamahala ng sitwasyon sa evacuation centers na kailangang masunod pa rin ang minimum health standards at iwasang magdikit-dikit ang mga nagsisilikas.
Kung kailangan aniyang gumamit ang mga Local Government Unit (LGU) ng mas maraming evacuation centers at iba pang pasilidad upang maipatupad ito, mainam na gawin ito ng mga local official lalo’t marami pa namang paaralan ang hindi pa ginagamit sa kasalukuyan.