Ipinauubaya na ng Malakanyang sa Metropolitan Manila Development Authority ang pagbibigay solusyon sa traffic sa kalakhang Maynila.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, noon pa man ay problema na ang matinding traffic lalo na sa EDSA kung kaya’t nananawagan ang Palasyo sa taumbayan na bigyan ng tyansa ang MMDA na gawin ang kanilang mandato.
Giit ni Panelo na sa ngayon ay talagang mararanasan ang kaliwa’t kanang trapik dahil sa iba’t ibang eksperimentong ginagawa ng MMDA sa EDSA pero umapela ito na intindihin muna ang MMDA dahil hindi biro ang pagresolba sa matagal nang problema sa trapik.
Kasunod nito, sinabi ng Palasyo na bukas sila sa anumang suhestyon mula sa publiko para sa ikareresulba ng matinding trapik.
Matatandaang sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) lumalabas na P3.5B ang halagang nawawala sa Metro Manila dahil sa teribleng trapik.