Nananawagan ang Palasyo ng Malakanyang sa mga residenteng apektado ng bagyo na agad magsilikas bago pa man lumala ang sitwasyon sa kanilang lugar.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Presidential Communications Group (PCOO) Sec. Martin Andanar, ugaliing makinig ng balita upang malaman ang pinakabagong lagay ng panahon.
Payo ng kalihim, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa mga awtoridad kung kailangan na silang ilikas.
Sa ngayon, mahigpit aniyang binabantayan ng Palasyo ang Bagyong Agaton kasabay ng paniniguro na lahat ng ahensya ng gobyerno ay kumikilos para tulungan ang mga apektadong residente.
Base sa pinakahuling datos na nakuha ng Malakanyang sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 201 mga barangay ang apektado ng bagyo.
Nasa higit 3,700 namang mga pamilya ang nailikas na sa 71 evacuation centers sa Regions 6,7,8, 10,11, 12, CARAGA at BARMM.