Manila, Philippines – Iginiit ni Presidential Spokesman Ernesto Abella sa Office of the Ombudsman na manatiling independent at patas sa pagsasagawa ng imbestigasyon at huwag maging bahagi ng demolition job laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Diin pa ni Abella, hindi dapat pagamit ang Ombudsman sa mga ayaw tanggaping nanalo si Pangulong Duterte noong 2016 elections.
Binanggit pa ni Abella na may puwersang pulitikal ang nagkukundisyon ngayon sa isipan ng mga tao upang sila ay iligaw at lumikha ng galit laban sa Punong Ehekutibo.
Para kay Abella, lumalabas ngayon ang tunay na kulay-pulitika ng Ombudsman.
Hindi kumbinsido si Abella sa pahayag ng Office of the Ombudsman na pinapaiiral nila ang “confidentiality” sa kanilang imbestigasyon kaugnay sa graft complaint laban kay Pangulong Duterte.
Samantala, inihayag ni Abella na walang kinalaman ang Palasyo sa ginawang paghahain ng reklamo ng dalawang grupo ng mga abogado kontra kina Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang at Deputy Ombudsman for Mindanao Rodolfo Elman.
Mariin ding itinanggi ni Abella na “vindictive” o mapaghiganti si Pangulong Duterte sa kanyang mga kritiko,
Paliwanag ni Abella, mabigat lang magsalita ang Pangulo dahil tao lang din ito na minsan ay nagiging emotional sa ilang usapin laban sa kanya pero tiyak namang kinikilala nito ang batas.