
Pumalag si Palace Press Officer Claire Castro sa alegasyon ni Vice President Sara Duterte hinggil sa People’s Initiative na sinusuportahan umano ng administrasyon para manatili sa kapangyarihan.
Ayon kay Castro, dapat ay matutong magbasa ng tunay na balita ang bise presidente upang hindi makapagpalaganap ng maling impormasyon.
Giit ni Castro, hindi maaaring iugnay ang People’s Initiative kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dahil mismong ang pangulo na ang nagsabi noong Pebrero 2023 na hindi prayoridad ng administrasyon ang Charter Change (Cha-cha).
Mas marami aniyang mahahalagang isyung dapat tutukan ng gobyerno, gaya ng mga programang tumutugon sa ekonomiya at kapakanan ng mamamayan.
Ibinalik din ni Castro kay VP Sara na ang mismong mga kaalyado nito na sina Senator Robin Padilla at Representative Richard Gomez ang aktibong nagsusulong noon ng Charter Change.
Sa ngayon, nanindigan ang Palasyo na walang katotohanan ang mga paratang ng bise presidente at nananatiling nakatuon ang administrasyong Marcos sa mga programang may direktang benepisyo sa mga Pilipino.









