Luma na ang voice clip ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinakakalat ngayon ng kanyang mga kritiko kung saan sinasabi nitong tama na ang 2 doses ng bakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, Sept. 30, 2021 pa ang naturang voice clip na nuong mga panahon na iyon ay nasa 21M pa lamang ng mga eligible population ang nababakunahan at hindi pa pinapayagan ng mga eksperto ang pagtuturok ng booster shot.
Paliwanag ni Nograles, ibang iba na ang sitwasyon ngayon sapagkat nitong Nobyembre ay inaprubahan na ng mga eksperto ang pagtuturok ng booster shot sa mga taong fully vaccinated.
Matatandaang Dec. 21, 2021 sa kanyang Talk to The People hinikayat pa nga ng pangulo ang publiko na magpa-booster shot na kasunod nang banta ng Omicron variant at dahil sapat naman ang supply ng bakuna sa bansa.
Kasunod nito, patuloy ang panghihikayat ngayon ng pamahalaan na magpabakuna at magpa-booster shot na nang sa ganon ay magkaroon ng proteksyon laban sa COVID-19.
Base kasi sa mga pag-aaral, maaaring makaranas ng severe hanggang critical cases ang mga unvaccinated individuals kapag tinaman ng COVID-19 at posible rin nila itong ikamatay.