Malamang absent o ‘di kaya ay may ibang pinagkaabalahan si Senador Manny Pacquiao noong panahong nagpaliwanag si Health Secretary Francisco Duque III sa Senado hinggil sa mga ginagastos ng Department of Health (DOH) sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Tugon ito ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque sa naging pagtanggap ni Pacquiao sa hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pangalanan ang mga ahensiya ng gobyerno na sinasabi nitong may katiwalian.
Ayon kay Pacquiao, ang DOH at si Sec. Duque ang pangunahing dapat maimbestigahan.
Pero ayon kay Roque, naisalang na sa mainit na pagtatanong noon ng mga senador si Duque hinggil sa isyung ito subalit wala namang kasong isinampa laban sa kalihim at hindi rin nagtanong noon si Pacquiao kay Duque.
Dahil dito, sinabi ni Roque na nakikita niyang politika ang magiging katapusan ng mga sinasabi at posisyon ngayon ni Sen. Pacquiao.