Palasyo, sinabing hindi pinagsisisihan ang anumang polisiya na ipinatupad sa bansa upang tugunan ang COVID-19 pandemic

Sa kabila ng pagpuna ng ilang kritiko laban sa mga polisiyang ipinatutupad ng pamahalaan upang labanan ang COVID-19 sa bansa, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na walang pinagsisisihan ang gobyerno sa alinmang safety measures na ipinatupad nito upang mapangalagaan at protektahan ang kaligtasan ng publiko.

Reaksyon ito ng Palasyo sa pahayag ng ilang kritiko na ang Pilipinas ang pinakamatagal na nagpatupad ng lockdown sa buong mundo na nagsimula noong March 15, 2020 pero nananatiling mataas pa rin ang kaso ng COVID-19.

Depensa ng kalihim, tama ang desisyon ng Duterte Administration na unti-unti at dahan-dahan ang pagbubukas muli ng ekonomiya dahil kung ikukumpara ang death toll ng Pilipinas mula sa ibang mga bansa ay kapansin-pansin na mas kakaunti lamang ang naitatalang nasawi.


Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), nasa 1,103 ang death toll ng COVID-19 sa bansa kung ikukumpara sa Estados Unidos na mayroong 115,484 deaths, sinundan ng Brazil na mayroong 44,332; United Kingdom, 41,736; Italy, 34,371; France, 29,373; at Spain, 27,136.

Sa ngayon, aniya marami ng establisiyemento at negosyo ang balik-operasyon na, at upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 ay nagpapatupad ang mga Local Government Units (LGUs) ng localized lockdown.

Facebook Comments