Palasyo, sinabing “major cities” lamang sa bansa ang makakakuha ng Pfizer vaccines

Tanging major cities lamang na may sapat na cold storage facilities ang magkakaroon ng US-based COVID-19 vaccine na Pfizer.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nangangailangan kasi ang Pfizer vaccines ng minus 70 degrees Celsius storage facilities kung saan limitado lamang ang ganitong pasilidad sa bansa.

Paliwanag ng kalihim, kahit sa Amerika ay nasayang lamang ang ilang bakunang inorder mula sa Pfizer dahil hindi nasunod ang cold chain.


Kaya pasaring ni Roque sa mayroong colonial mentality na gusto ng Pfizer ay maaari silang maghintay hangga’t dumating ang bakuna sa bansa na posibleng sa 3rd quarter pa ng 2021.

Sa pinakahuling imbentaryo, major cities lamang sa Metro Manila ang mayroong cold chain facility.

Samantala, 30 million doses naman ng COVID-19 vaccines na Covovax mula sa Serum Institute of India (SII) ang na-secure na ng pamahalaan kamakailan.

Ang SII ay nakipag-partner sa US-based Novavax Inc., para ma-develop ang Covovax vaccine kung saan malapit na ring matapos ang Phase 3 ng clinical trials nito.

Ayon kay Dr. Ma. Luningning Elio- Villa, Medical Director ng Faberco Life Sciences, Inc., ang Covovax vaccines ay nangangailangan lamang ng 2-8 degrees Celsius kung saan hindi magiging pahirapan ang storage nito.

Inaasahang magiging available ang Covovax sa bansa sa 3rd quarter ng 2021 at target na mabakunahan ang nasa 15 million vulnerable at mahihirap na mga Filipinos.

Una nang sinabi ng mga eksperto na kapag hindi kasi nasunod ang required temperature ng isang bakuna ay mawawala ang bisa nito.

Facebook Comments