Palasyo, siniguro na mahigpit na nakatutok sa development sa naitalang 2 kaso ng Omicron variant sa bansa

Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na mahigpit na nakabantay ang pamahalaan sa mga development sa naitalang dalawang kaso ng Omicron variant sa bansa.

Pahayag ito ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles kasunod ng kumpirmasyon ng Department of Health (DOH) na mayroon nang naitalang dalawang kaso ng Omicron variant sa bansa, mula sa mga biyahero na nanggaling sa Japan at Nigeria.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang kalihim sa mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19 na magpabakuna na sa lalong madaling panahon lalo na’t nagpapatuloy ang national vaccination drive.


Samantala, pinapurihan din ng Malakanyang ang mga health expert ng bansa dahil sa early detection ng variant na ito.

Ang maaga aniyang pagkaka-detect sa Omicron variant ay bahagi ng Prevent, Detect, Isolate, Treat, Reintegrate o PDITR strategy ng bansa na matagal nang umiiral.

Sa kasalukuyan, ayon sa kalihim, nagpapatuloy na ang active case finding at contact tracing upang alamin ang kondisyon ng mga pasaherong nakasabay o nakahalubilo ng mga ito sa biyahe papuntang Pilipinas.

Facebook Comments