Palasyo, tikom pa rin sa posibleng paglilipatan ni Torre; NBI post, nangangailangan ng 15 taong law practice ayon sa batas

Tikom pa rin ang Malacañang hinggil sa magiging plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para kay dating Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III matapos ang kanyang pagkakasibak sa puwesto.

Bagaman nabanggit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na kinukonsidera ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na bigyan ng bagong posisyon si Torre, wala pa ring inilalabas na detalye kung saang ahensya siya itatalaga.

Kabilang sa mga lumutang na espekulasyon ang paglilipat ni Torre sa National Bureau of Investigation (NBI) kapalit ng nagbitiw na NBI Chief na si Jaime Santiago.

Pero batay sa Republic Act No. 10867 o NBI Reorganization and Modernization Act, para maging kwalipikado bilang NBI Director: dapat ay natural-born Filipino, miyembro ng Philippine Bar, at may hindi bababa sa 15 taon na practice ng batas.

Sa ngayon, walang public record na nagpapakita na abogado si Torre o may law degree siya, kaya’t kung pagbabasehan ang RA 10867, malabo ang kanyang pag-upo bilang pinuno ng NBI.

Kilala si Torre bilang unang alumnus ng Philippine National Police Academy (PNPA) na naging PNP Chief, at bago ang kanyang pagtatalaga sa pinakamataas na posisyon, nagsilbi rin siyang CIDG Director at Regional Director ng PRO-11 (Davao Region) noong 2024.

Facebook Comments