Tiniyak ng palasyo na gagawin ng administrasyon ang lahat upang matugunan ang naitalang kaso ng polio sa bansa, matapos ang halos dalawang dekadang pagiging polio free ng Pilipinas.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, sa idaraos na cabinet assistance system sa susunod na linggo, tatalakayin nila ang usaping ito lalo lahat naman ng gabinete at iba pang tanggapan ng pamahalaan ay dadalo doon.
Handa aniya ang gabinete na magpaabot ng assistance o anomang tulong na kakailanganin ng Department of Health (DOH) kaugnay sa kaso ng polio sa bansa.
Tiniyak ni Nograles na suportado ng administrasyon ang lahat ng hakbang na ipinatutupad ni Health Secretary Francisco Duque III, sa aspeto man ng budget o financial assistance o maging sa pagpo-promote at pagku-kumbinse sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Posible kasi ayon kay Nograles na ang pagbaba ng vaccination coverage o ‘yung pagkonti ng bilang ng mga nagpapabakuna, ang dahilan kung bakit muling nakapagtala ng kaso ng polio sa bansa.