Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na hindi magkakaroon ng whitewash sa imbestigasyon sa kaso ng pagkakapatay ng 19 anyos na si Carl Angelo Arnaiz.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, katulad ng kaso ni Kian Delos Santos ay hindi rin palalampasin ng pamahalaan ang sinomang miyembro ng Philippine National Police na umabuso sa kanyang kapangyarihan.
Tiniyak ni Abella na mananagot ang sinomang mapatutunayang nagkasala sa oras na mapatunayan ng korte na pinatay ng walang laban ng mga pulis ang binatilyo.
Matatandaan na depensa ng mga pulis Caloocan ay naunang nagpaputok si Arnaiz kaya nila ito napatay pero base naman sa imbestigasyon ng SOCO ay wala silang nakitang indikasyon na nanlaban si Arnaiz na ayon sa mga pulis ay nangholdap pa ng isang taxi driver.