Tiniyak ng Malacañang na hindi tatratuhing kriminal ang mga pasyenteng may COVID-19.
Ito ay sa gitna ng hakbang ng Pamahalaan na ilipat sa government isolation facilities ang ilang asymptomatic at mild cases na hindi naabot ang requirements para sa home quarantine.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, magbibigay ang gobyerno ng libreng transportasyon at libreng matutuluyan ang mga pasyente habang sila ay nasa isolation.
Pero aminado si Roque na maaaring pwersahin ng mga awtoridad ang indibidwal na may sakit na ilipat ang mga ito sa quarantine o isolation center para na rin sa kaligtasan ng publiko.
Iginiit ni Roque na mahalaga ang quarantine at isolation ng mga pasyente para sa ikakatagumpay ng Pamahalaan sa paglaban sa pandemya.
Hinimok ng Palasyo ang mga pasyente na gumamit ng quarantine centers at tiniyak na magkakaroon sila ng “hotel experience.”