Hindi idadaan sa shortcut ng pamahalaan ang proseso sa pag-apruba ng bakuna kontra COVID-19.
Ito ang pagtitiyak ni Philippine vaccine czar at National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr.
Ayon kay Galvez, kahit na idadaan sa Emergency Use Authorization (EUA) ang mga aangkating bakuna ay kanila pa ring inirerekomenda na sumailalim ang mga ito sa phase 3 ng clinical trials sa bansa.
Sa ngayon ani Galvez, ang tatlo sa apat na napupusuan nilang bakuna ay nagkaroon na ng tinatawag na confidentiality data agreement sa Department of Science and Technology (DOST) at posibleng pagsapit ng Disyembre o Enero ng susunod na taon ay ikasa na nila ang clinical trial sa bansa.
Maliban dito, mahigpit din aniyang susuriin ng vaccine expert panel ang bakuna na bibilhin natin sa ibang bansa tulad ng China, UK at USA.
Kanina, inanunsyo ng Palasyo na magpapalabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng isang Executive Order na pumapayag sa paggamit ng bakuna kontra COVID-19 sa pamamagitan ng Emergency Use Authorization tulad ng Sinovac at Sinopharm na ginagamit na sa high risk individuals sa China.