Kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pauwiin sa loob ng isang linggo ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakatengga sa iba’t ibang quarantine facilities at naghihintay na lamang ng kanilang COVID-19 test result, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na kung hindi maisasakatuparan ang ultimatum ng Pangulo ay paniguradong may mananagot.
Ayon kay Roque, nababahala na si Pangulong Duterte sa mga nakakarating na reklamo sa kanya ng mga OFW kaya’t binigyan niya ng isang linggo ang Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Health (DOH) para tapusin at ilabas ang resulta ng PCR tests ng 24,000 na OFWs.
Paliwanag ng kalihim, inaasahan kasing sa susunod na tatlong buwan ay daang-libong OFWs pa ang babalik sa bansa kaya’t pinamamadali na ng Pangulo ang pagpapauwi sa naunang batch ng mga OFW.
Giit ni Roque, kung hindi mapapauwi agad ang nakatenggang 24,000 OFWs ay lalong lalaki ang problema ng bansa kapag mas marami pang mga kababayan natin ang umuwi sa mga susunod na buwan.
Kaugnay nito, nais din ng Pangulo na palakasin ang PCR testing sa iba’t ibang lugar sa bansa nang sa ganon ay pupwede nang umuwi ng diretso sa kanilang mga probinsya ang mga OFW, at doon na sila magpakuha ng PCR COVID-19 test para hindi na maipon dito sa Metro Manila.