Umaasa ang Malacañang na titiyakin ng mga doktor na ang listahan ng mga taong may karamdaman na makatatanggap ng libreng COVID-19 vaccines ay walang halong panloloko.
Ito ang pahayag ng Palasyo sa harap ng mga pangambang may ilang indibidwal na magpapanggap na mayroong chronic illness para mabakunahan nang libre.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, malabong magsinungaling ang mga doktor sa health condition ng kanilang mga pasyente lalo na sa pag-iisyu ng medical certificates.
Ang persons with comorbidity o mga mayroong pre-existing chronic diseases ay ikatlo sa listahan ng mga ipaprayoridad sa immunization program ng pamahalaan.
“Talagang napakainit po ng balitaktakan diyan, kasi nga may mga nagsasabi na kapag pinayagan iyong may comorbidities maraming mandaraya para lang mauna sa pila. Sabi ko naman, pagtiwalaan naman siguro ang ating mga doktor na mag-iisyu ng certificate na hindi naman sila magsisinungaling, dahil talaga namang mataas ang respeto natin sa ating mga doktor,” sabi ni Roque sa isang radio interview.
Paliwanag pa ni Roque, ang mga indibidwal na mayroong comorbidities gaya ng diabetes at heart disease ay kabilang sa priority groups lalo na at sila ay mabilis kapitan ng COVID-19.
“Talagang ipinaglaban ko po iyan, kasi alam naman natin na sang-ayon sa siyensiya hindi lang matatanda ang vulnerable dito sa sakit na ito, eh kasama rin iyong mga may comorbidities,” ani Roque.
Nilinaw rin ni Roque na ang mga economic frontliners ay mga nagtatrabaho sa industriyang pinayagang mag-operate noong Enhanced Community Quarantines (ECQ).
Batay sa prioritization list, ang mga health workers ang unang babakunahan, sunod ang mga senior citizens.
Kabilang din sa mga makatatanggap ng bakuna ay ang frontline essential workers gaya ng mga sundalo at pulis.
Kasama rin ang mga mahihirap, guro, social workers at OFWs.