Palasyo, tiwalang mareresolba ang WPS issue dahil sa pagkakaibigan ng China at Pilipinas

Tiwala ang Malacañang na mareresolba ang namumuong tensyon sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng pagkakaibigan ng Pilipinas at China.

Ito ang pahayag ng Palasyo kasunod ng tumitinding word war sa pagitan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at ng Chinese Embassy dahil sa pananatili ng ilang Chinese vessels sa naturang bahura na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paninindigan ni Lorenzana.


Pero iginiit ni Roque na hindi ito kailangang mauwi sa pakikipaggiyera sa ibang bansa.

Para naman kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, ang paghimpil ng China sa Julian Felipe Reef ay posibleng mauwi sa “unwanted hostilities.”

Kontra din si Panelo sa hindi makatuwirang pananatili ng mga barko ng Tsina sa lugar.

Aniya, ang soberenya ng bansa ay “non-negotiable” kahit maayos ang economic relations ng Pilipinas sa China.

Sa statement, hindi nagustuhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang naging pagtugon ng Chinese Embassy sa panawagan ni Lorenzana sa mga Chinese vessels sa lugar na umalis.

Giit ng DFA, pawang kasinungalingan ang pahayag ng embahada na masamang panahon ang dahilan ng pananatili ng kanilang barko sa Julian Felipe Reef at hindi militia vessels ang mga ito.

Nanindigan ang DFA na paglabag sa soberenya ng Pilipinas ang ginagawang ito ng China.

Sa kanyang tweet, kinumpirma ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na naghain muli ang Pilipinas ng bagong diplomatic protest laban sa China dahil sa pananatili ng higit 40 Chinese vessels sa Julian Felipe Reef.

Ito ang ikalawang protestang inihain ng Pilipinas laban sa Beijing pagkatapos ng unang diplomatic note noong March 21.

Pero ang DFA ay wala pang inilalabas na official statement hinggil dito.

Facebook Comments