Palasyo, tiwalang papayag si PhilHealth Chief Ricardo Morales na silipin ang kaniyang bank accounts

Positibo ang Malacañang na papayagan ni PhilHealth President Ricardo Morales na busisiin ng mga awtoridad ang kaniyang bank records sa gitna ng imbestigasyon ng korapsyon sa kaniyang tanggapan.

Nabatid na plano ni Morales na mag-medical leave alinsunod na rin ng payo ng kaniyang mga doktor.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, umaasa silang pipirmahan ni Morales ang bank secrecy waiver matapos ihayag ng ilang PhilHealth officials na handa rin silang gawin ito.


Punto pa ni Roque, ang mga government official na naghain ng kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ay nangangahulugang nagbibigay sila ng pahintulot na silipin ang kanilang bank records.

Sa mga ulat na gustong makausap ni Morales si Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Roque na bukas ang pintuan ng Malacañang sa sinuman.

Kaugnay nito, magpupulong ngayong araw ang task force na binuo ng Department of Justice (DOJ) para imbestigahan ang mga anomalya sa PhilHealth sa pamamagitan ng pagsasagawa ng lifestyle checks sa mga opisyal at empleyado at pagrekomenda ng preventive suspension sa mga opisyal.

Sa ngayon, hihintayin ng Pangulo ang findings at recommendations ng investigating panel.

Facebook Comments