Palasyo, todo ang pasasalamat sa publiko hinggil sa resulta ng pinakabagong Pulse Asia survey

Laking pasasalamat ng Malakanyang sa patuloy na tiwalang ibinibigay ng publiko sa Duterte administration hinggil sa paghawak o pangangasiwa nito sa COVID-19.

Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque makaraang lumabas ang pinakahuling Pulse Asia survey kung saan mayorya sa mga Filipino ang nagsasabing aprubado nila ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan kontra COVID-19.

Nakasaad pa sa survey na isinagawa ng face- to- face nitong Septemer 14-20, 2020 sa 1,200 mga respondent na nakakuha ang administrasyong Duterte ng 84% sa paraan ng paghawak nito ng sitwasyon sa COVID-19 sa bansa.


Naitala rin ang 84% sa usapin naman ng pamimigay ng Duterte administration ng tulong at subsidiya sa mga Filipinong mahihirap at mga nawalan ng trabaho dulot ng pandemya.

6% ang nagsasabing hindi nila kursonada ang ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 at 7% ang hindi kuntento at hindi aprubado ang pamimigay ng tulong at ayuda ng gobyerno.

Ayon kay Roque, nagsisilbi itong inspirasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte para higit pang pagbutihin at magpursige nang husto para malagpasan ng bansa ang mga hamon na dala ng COVID-19 pandemic.

Kung maaalala, kamakailan lamang ay nakakuha ang Pangulo ng 91% trust at performance ratings mula sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS).

Facebook Comments