Palasyo, tumangging kumpirmahin ang ulat na may napili na si PBBM para manguna sa independent commission kaugnay sa flood control

Mariing tumanggi ang Presidential Communications Office (PCO) na kumpirmahin ang mga ulat na may napili nang miyembro si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa bubuuing independent commission.

Kasunod ito ng kumakalat na impormasyon na kabilang sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson sa magiging komposisyon ng binubuong komisyon.

Ayon kay PCO Secretary Dave Gomez, tanging ang pangulo lamang ang mag-aanunsyo nito na gagawin sa loob ng 48 oras.

Kung hindi aniya ngayong araw ay bukas i-aanunsyo ng pangulo ang pinal na Executive Order (EO).

Mas mainam aniyang hintayin ang mismong anunsyo ng punong ehekutibo kaysa umasa sa mga lumulutang na spekulasyon.

Facebook Comments